Davao Mayor Rodrigo Duterte, sinampahan ng petisyon upang ipakansela ang kaniyang certificate of candidacy

by Radyo La Verdad | December 22, 2015 (Tuesday) | 7528

duterte
Isa naming petisyon ang inihain laban sa pagtakbo ng pangulo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ayon sa petitioner na si Rizalito David, dapat ideklarang null and void ang substitution ni Duterte kay Diño bilang kandidato sa pagkapangulo ng PDP Laban dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso.

Aniya noong mag-withdraw ng kandidatura si Diño dapat agad ding nag-substitute si Duterte subalit kulang isang buwan pa ang lumipas bago nagsumite ng COC si Duterte sa pagka-presidente.

Kung tutuusin ayon kay David wala nang kandidatong pinalitan si Duterte.

Iginiit din ni David sa kaniyang petisyon na dapat nang kanselahin ang COC ni Duterte dahil isinumite ito ng wala sa tamang panahon.

October 12 to 16 aniya ang filing ng certificate of candidacy subalit November 27 na nagsumite ng COC ang alkalde.

Ayon kay David hindi paso sa panahon ang pagsusumite niya ng petisyon dahil December 16 lang tinanggap ng Comelec ang COC ni Duterte.

Nanindigan naman ito na ang kaniyang ginawa ay hindi upang tanggalin sa listahan ang mga kandidatong nangunguna sa survey.

Bukod kay Duterte, petitioner din si David sa reklamo laban kay Senator Grace Poe.

Wala munang tugon sa petisyon ang kampo ni Duterte dahil hindi pa natatanggap ang kopya ng reklamo.

(Victor Cosare/UNTV News)

Tags: , ,