Dinagdagan na ng pamunuan ng Philippine National Police ang pwersa ng National Capital Region Police Office upang magbantay ngayong holiday season.
Ito’y matapos na kumuha ng augmentation ang mga ito ng 200 pulis sa National Headquarters at 26 na Special Action Force upang ibigay sa NCRPO.
Ayon kay Deputy Chief for Operations P/DDG Danilo Constantino, ang nasabing mga pulis ay tutulong sa pagsasagawa ng beat patrol sa EDSA at sa mga matataong lugar upang masigurong ligtas ang publiko.
Bunsod nito, hindi na rin maaaring magbakasyon o mag-leave ang mga pulis simula ngayong martes hanggang Jan. 6, 2016.
Inisa isa naman ni NCRPO Chief P/Dir. Joel Pagdilao ang mga lugar kung saan itatalaga ang 200 pulis gaya ng malls at bus terminals sa kahabaan ng edsa na nasasakupan ng Eastern Police District, Southern Police District, Quezon City Police District at Northern Police District kabilang ang
EDSA Shaw crossing, Megamall, Robinson Galleria, Greenhills Shopping Center, Cubao Ali Mall, Boni Serrano, Araneta Center, Aurora Blvd, Baliwag Transit INC., Nepa Q.Mart, Jollibee Kamias, Shell NIA Road, SM North EDSA, Shell 1015, Balintawak Market, Jackman Muñoz, Monumento LRT Station
at Victory Center Mall.
Habang ang 26 na SAF ay itatalaga naman sa Pasay at Makati area lamang.
Nagpaalala rin ang NCRPO sa mga mahilig uminom ng alak sa labas ng kanilang tahanan dahil huhulihin aniya sila ng mga pulis at ng barangay official bilang pagpapatupad ng city ordinance at nang Oplan Lambat Sibat.
(Lea Ylagan/UNTV News)