Sandiganbayan, nahanapan ng probable cause ang mga kaso laban kay dating MRT Gen. Manager Al Vitangcol

by Radyo La Verdad | December 11, 2015 (Friday) | 1376

SANDIGANBAYAN
Dalawang kasong graft at isang paglabag sa procurement law ang kakaharapin ngayon ni dating MRT Gen. Manager Al Vitangcol sa 3rd Division.

Ito ay matapos makakakita ng probable cause ang Sandiganbayan upang kasuhan si Vitangcol at limang opisyal ng Philippine Trans Rail Management and Services Corporation o PH Trams kaugnay ng umano’y pagsasabwatan upang ma-award sa nasabing kumpanya ang maintenance ng MRT noong October 2012.

Ayon sa impormasyon ng kaso, ginamit ni Vitangcol ang kanyang posisyon bilang general manager ng MRT at member ng Bids and Awards Committee upang paboran ang PH Trams.

Hindi rin aniya sinabi ni Vitangcol na maaaring may conflict of interest sa proyekto dahil pamangkin ng kanyang asawa ang isa sa mga director ng PH Trams.

Paglabag ito sa procurement law dahil hindi inilagay ni Vitangcol sa kanyang affidavit of disclosure ang relasyon niya sa pamangkin ng kanyang asawa na isang valid ground upang madiswalipika ang PH Trams sa bidding.

Bukod kay Vitangcol kasama sa kinasuhan ang kanyang uncle in law na si Arturo Soriano at iba pang opsiyal ng PH Trams na sina Wilson de Vera, Marlo dela Cruz, Manolo Maralit at Federico Remo.

At dahil nakapagpiyansa na sina Vitangcol at ang tatlo, tanging si Remo lamang ang inisyuhan ng warrant of arrest.

Naglabas na rin ng hold departure order and Sandiganbayan laban sa mga akusado.

Maari pang maghain ng mosyon sina dating MRT Gen. Al Vitangcol nais nitong kwestiyunin ang probable sa kanyang kaso, pero sa ngayon tinakda na siyang basahan ng sakdal sa Jan 21.

(Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: ,