2 tauhan ng OTS, 4 pulis ng Aviation Security Group, sinampahan na ng reklamo kaugnay ng tanim bala sa NAIA

by Radyo La Verdad | December 11, 2015 (Friday) | 3072

usec.-Emmanuel-caparas
Anim na mga tauhan ng OTS at PNP-Aviation Security Group ang nahaharap sa mga kasong kriminal dahil sa pagkakasangkot sa tanim bala scam sa NAIA.

Sinampahan ng NBI ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Law sina Maria Elma Cena at Marvin Garcia na parehong tauhan ng OTS dahil sa pagtatanim ng ebidensya sa kanilang biktima.

Robbery/extortion, paglabag sa RA 7438 at kasong katiwalian naman ang isinampa ng NBI sa mga tauhan ng PNP-AVSE Group na sina PCInsp. Adriano Junio, SPO4 Ramon Bernardo, SPO2 Rolando Clarin, at SPO2 Romy Navarro.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng amerikanong si Lane Micheal White na nahulihan ng bala sa kanyang bagahe sa NAIA noong Setyembre.

Tinangka umanong kikilan ng 50-thousand pesos ng mga respondent si White at nang hindi ito pumayag, ay saka ito sinampahan ng kaso.

Isa lamang ang kaso ni White sa nakumpirma ng NBI na insidente ng tanim bala sa NAIA.

Sa kanilang report sa imbestigasyon ng tanim bala scam na isinumite sa DOJ, kinumpirma ng NBI ang iba pang kaparehong insidente ngunit hindi na muna ito isinapubliko dahil hindi pa naisasampa ang kaso.

Bagamat kumpirmado ang modus ng tanim bala, wala umanong sapat na basehan upang sabihing may sindikatong nasa likod nito.

Hindi pa tiyak sa report ng NBI kung saan at paano natataniman ng bala ang mga bagahe.

Ngunit posible umanong nangyari ito bago pa lamang pumasok sa terminal, o kaya ay habang nasa loob na mismo ng airport.

“When can an incident of tanim bala take place? Before you enter, that can happen, right before you put your bag on the conveyor belt, after your bag has gone to the conveyor belt if you allow somebody to touch that. And then when you’re loitering in the airport, this is already pertaining to your carry-on luggage, you’re walking around the airport, you sit down in a restaurant, umupo tayo dun sa lounge. Medyo minsan yung iba, inaantok, nakakatulog napabayaan yung bag or for example, kailangan pumunta sa banyo, walang ibang kasama, mabigat yung bag, iniwan dun sa upuan, yung mga bagay ban a ganun.” pahayag ni DOJ Spokesperson USec. Emmanuel Caparas

Payo na lamang ng DOJ sa mga pasahero, laging bantayan ang kanilang mga bagahe saan man sa airport sila magtutungo.

Hindi pa dito nagtatapos ang imbestigasyon sa isyu ng tanim bala sa NAIA.

May rekomendasyon ang NBI na lawakan pa ang imbestigasyon ngunit wala pang pormal na direktiba ang DOJ upang gawin ito. (Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , , , ,