Mahigpit ang gagawing pagbabantay ng San Juan Police sa mga nasasakupan nitong shopping centers at pasyalan ngayong holiday season na inaasahang dadagsain ng mga mamimili.
Sa ngayon ay nasa 500 libong mamimili araw-araw ang nagtutungo sa Greenhills at inaasahang tataas pa ito simula sa susunod na linggo.
Ayon kay San Juan Police Station P/SSupt. Ariel Arcinas, 42 police personnel na ang itinalaga sa Greenhills shopping center upang tulungan ang may 246 na mga security guards na proteksyunan ang mga mamimili at namamasyal.
Apat na pulis naman ang nagbabantay sa night market sa Greenhills kabilang ang dalawang tactical motorcycle rider.
At dahil sa matinding traffic sa lugar ay magde-deploy din ang San Juan Police ng apat pang tauhan upang tumulong sa barangay at traffic management personel ng local government ng San Juan.
Sa kabila na dagsa na ang mga mamimili, wala namang pagtaas sa kaso ng robbery at hold up sa Greenhills shopping center.
Sa katunayan, dalawang kaso pa lamang ng hold up ang naitala simula noong November 31 hanggang sa kasalukuyan.
Gayunman, hindi nagluluwagang San Juan Police sa pagpapatupad ng seguridad na ang duty ng mga tauhan nito ay pinahaba pa hanggang alas dose ng hatinggabi sa Greenhills shopping center. (Lea Ylagan/ UNTV News)