12 ruta ng provincial buses na magmumula sa Metro Manila, bubuksan ng LTFRB simula September 30

by Erika Endraca | September 28, 2020 (Monday) | 31588

METRO MANILA – Balik-operasyon na simula sa Miyerkules September 30 ang biyahe ng ilang provincial buses na nagmumula sa Metro Manila, matapos ang higit 6 na buwang pagkakatengga dahil sa community quarantine.

Labindalawang (12) ruta sa Region 3 at 4a ang inisyal na binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kung saan papasada ang mahigit sa 1,000 unit ng provincial buses na may valid at existing na prangkisa.

Ito ang mga probinsyang pumayag na magpapasok na ng mga tao na mangagaling sa Metro Manila.

Kabilang sa mga rutang bubukasan ang Araneta Cubao to San Fernando Pampanga, at mga bus na magmumula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na bibiyahe patungong Batangas gaya sa Lemery, Lipa City,Nasugbu at Batangas City.

Pwede na ring bumiyahe ang ilang provincial buses mula PITX patungong Cavite kabilang na ang bayan ng Mendez,Ternate, Indang at Tagaytay.

Maging ang ruta ng PITX to Calamba, Siniloan at Sta.Cruz Laguna balik-pasada na rin sa Miyerkules.

Ayon sa LTFRB, ang mga lokal na pamahalaan ang may responsibilidad upang asikasuhin at makontrol ang mga pasahero na papasok sa kanilang mga lugar.

Paliwanag ng ahensya, may kapangyarin ang mga LGU na suspendihin muli o bawasan ang biyahe sakaling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.

Para naman sa mga pasahero, paalala ng LTFRB may mga requirements na kinakailangan maipakita bago payagan na makabiyahe alinsunod pa rin sa kautusan ng Inter Agency Task Force.

Una, travel authority mula sa Philippine National Police na maaring makuha sa terminal kung saan may nakaduty na mga pulis.

Ikalawa, valid id kung saan nakalagay ang pangalan edad, maging ang adress kung saan nakatira, nagta-trabaho o nagaaral ang pasahero.

Kinakailangan rin na may written consent kung saan nakasaad na pumapayag ang pasahero na magpa-swab o magpaquarantine sa terminal na pinanggalingan o sa huling destinasyon depende sa assesment ng mga otoridad mula sa LGU.

Dapat ring alamin at ihanda ang iba pang mga dokumento na inire-require ng IATF, maging ng mga LGU kung saan ang kanilang destinasyon.

Batay sa memorandum, kailangang makakuha ng ticket ang pasahero dalawang araw bago bumiyahe o mas maaga pa na pwedeng gawin sa pamamagitan ng online booking o pwede ring magsadya sa terminal.

Ipinagbabawal ang pagbili ng trip ticker sa mismong araw ng pagbiyahe,maliban na lang kung emergency.

Layon nito na gawing mas madali ang proseso ng contact tracing dahil mas maagang malalaman kung sino-sino ang mga pasahero sa isang partikular na biyahe.

Bago bumiyahe, obligado ang mga operator at driver na kumuha ng qr code na pwedeng i-download sa website ng LTFRB.

Mahigpit na ipagbabawal ang pagbaba at pagsakay sa anumang bahagi ng provincial route, maliban na lamang sa designated stop over points at terminal ng mga bus.

Ayon sa LTFRB, posibleng madagdagan ang mga ruta ng provincial buses depende sa desisyon ng mga LGU.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,