11am-10pm mall operating hours, nais pang palawigin ng MMDA

by Radyo La Verdad | January 12, 2018 (Friday) | 4602

Batay sa datos na inilabas ng traffic engineering center ng Metropolitan Manila Developement Authority, lumabas na bahagyang bumilis ang biyahe sa Edsa simula nang maipatupad ang adjusted mall operating hours noong holiday season.

Sa tala ng MMDA, ang dating nasa 17 kilometer per hour na estimated travel speed sa Edsa noong September, bumilis sa 19kph pagsapit ng November 2017.

Bunsod nito, hinihiling ngayon ng MMDA sa mall owners na palawigin pa ang 11am hanggang 10pm operating hours. Hanggang sa January 15 na lamang sana ang ipatutupad ang adjusted mall hours, subalit nais ng MMDA na paliwigin pa ito hanggang sa December 2018.

Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Operations Jojo Garcia, isang paraan ito upang mapaghandaan ang inaasahang lalo pang paglala ng traffic sa Metro Manila, kaalinsabay ng pagsisimula ng Build Build Build projects ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Garcia, nakausap na nila ang mga mall owner at ngayong araw ay inaasahang magdedesisyon ang mga ito kung itutuloy ang pagpapalawig ng adjusted mall hours.

Sakaling hindi pumayag, walang magagawa ang MMDA kundi ang umiisip na bagong paraan upang maibsan ang problema sa traffic.

Sa ngayon ay inaalam pa ng MMDA kung may posibilidad na makapekto ang pagbabago ng operating hours sa kikitain ng mga mall.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,