Sen. JV Ejercito at 19 opisyal ng San Juan City, nahanapan ng probable cause ng Ombudsman upang kasuhan ng kasong graft at technical malversation

by Radyo La Verdad | December 9, 2015 (Wednesday) | 3297

JV-EJERCITO
Pinasasampahan na ng Ombudsman ng kasong graft at technical malversation sa Sandiganbayan si Senator JV Ejercito, at labing siyam pang dati at kasalukuyang opisyal ng San Juan City.

Kaugnay ito ng umano’y paggamit ng calamity fund ng San Juan City para sa pagbili ng high powered firearms noong 2008.

Ayon sa Ombudsman na nagsagawa ng imbestigasyon, nagsabwatan umano sina dating San Juan Mayor Ejercito, City Councilors at miyembro ng Bids and Awards Committee upang mabili ang mga armas na hindi na dumaan sa competitive bidding.

Sa resolusyon ng Ombudsman, labag sa batas ang pagamit ng pondo sa nakalaan para sa ibang proyekto.

Nilinaw ni Senador JV Ejercito na ang pagbili ng mga firearms ay kinakailangan noong siya ang nanunungkulan sa San Juan dahil sa sunod sunod na kaso ng krimen.

Paniwala ni Ejercito pulitika ang nasa likod ng kaso sa kanya at sinabing iaapela nila ang nasabing kaso sa Ombdusman. ( Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: ,