Kampanya kontra paputok ngayong holiday season, inilunsad na ng DOH

by Radyo La Verdad | December 8, 2015 (Tuesday) | 1499

PAPUTOK-CAMPAIGN
Maituturing na matagumpay ang kampanya ng Dept. Of Health laban sa paputok noong isang taon dahil sa naitalang zero casualty.

Bukod pa rito, bumaba rin ng labing anim na porsiyento ang bilang ng mga naputukan noong 2014 kung ikukumpara noong 2013.

Mula sa mahigit isang libong kaso ng mga naputukan noong 2013 bumaba ito sa walong daan at animnapu noong 2014.

Naitala ang pinakamataas na bilang ng mga naputukan sa National Capital Region, sunod ang Ilocos Region, Western Visayas, Calabarzon at iba pang bahagi ng bansa.

Karamihan sa mga fireworks related injury na naitala ng DOH noong 2014 ay bunga ng paggamit ng piccolo na isa sa mga ipinagbabawal na paputok.

Ang piccolo ay mina-manufacture sa China at ipinupuslit dito sa Pilipinas.

Ayon sa Bureau of Customs ngayong taon ay mas hinigpitan na nito ang monitoring sa lahat entry point upang matiyak na hindi makakapasok ang anumang ipinagbabawal na paputok sa bansa.

Ngayong taon, tinatayang nasa 24 milyong pisong halaga na ng iba’t-ibang iligal na paputok na ang nakumpiska ng BOC kabilang na ang piccolo.

Dahil holiday season nanaman, inilunsad ngayon lunes ng Department of Health ang kampanya laban sa paggamit ng paputok na may temang sa “ingay walang sablay, sa paputok goodbye kamay.

Katuwang ng DOH sa pagsusulong ng kampanya ang iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng PNP, Bureau of Fire Protection, Department of Education, BOC, MMDA at ang enviromental group na Ecowaste Coalition.

Kamakailan lamang isang bata na sa Ilocos Norte ang naputukan ng piccolo na labis na ikinababahala ng DOH.

Sakaling mabiktima ng paputok paalala ng DOH, hugasan ang sugat ng malinis na tubig hanggang sa maalis ang lahat ng dumi o pulbura ng paptutok at agad na dalhin sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng sapat na gamutan. (Joan Nano/UNTV News)

Tags: ,