BOC, kinumpirma na may rekomendasyong kasuhan ng smuggling si dating LTO Chair Virginia Torres

by Radyo La Verdad | December 3, 2015 (Thursday) | 2142

Customs-Deputy-Commissioner-Arturo-Lachica
May rekomendasyon ang intelligence group ng Bureau of Customs na kasuhan ng smuggling si dating LTO Chief Virginia Torres.

Ito ang kinumpirma ni Customs Deputy Commissioner Arturo Lachica, ang hepe ng revenue collection monitoring group.

Ayon kay Lachica, hawak na nila ang report at rekomendasyon kay Torres ngunit susuriin pa ng legal department ang mga dokumento kung sapat ito upang kasuhan si Torres.

Tatapusin ang evaluation ng mga dokumento ngayong buwan at saka lamang malalaman kung sasampahan ng kaso ang dating hepe ng LTO.

Nasangkot sa isyu ng smuggling si Torres nitong nakaraang Agosto matapos umanong tangkain nitong makipag negosasyon sa Bureau of Customs upang mai-release ang 100-million pesos na halaga ng smuggled na asukal.

Galing Thailand ang nasabing kargamento ng asukal at pinigil ng Customs dahil sa kawalan ng permit mula sa Sugar Regulatory Administration.

Suportado naman ng Malacañang ang mga hakbang ng BOC at hindi nito haharangin ang anumang kaso laban kay Torres na kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Aquino.

Samantala, dalawang magkahiwalay na smuggling complaints ang isinampa ng Bureau of Customs laban sa mga importer ng dalawamput isang container vans ng smuggled na asukal na nagkakahalaga ng 33 million pesos.

Galing ng Hong Kong at Shanghai, China ang kargamento ng asukal na idineklara bilang bitumen o aspalto at ipinasok sa Manila International Container Port mula nitong Hulyo hanggang Agosto.

Bukod sa misdeclaration, walang permit ang mga importer nito mula sa Sugar Regulatory Administration. (Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , ,