Isa isang dininig ng Department of Trade and Industry sa isinagawang panel investigation ang hinaing ng mga may ari ng Mitsubishi Montero Sports.
Nasa mahigit syamnapung reklamo ang natanggap ng Mitsubishi at nasa sampung complainant lamang ang dumalo sa investigation.
Karamihan ng reklamo ay hinggil sa di umano’y Sudden Unintended Acceleration o SUA ng Mitsubishi Montero Sports
Ayon sa mga complainant, bigla na lamang humaharurot ang Montero at hindi nila makontrol.
Sinabi ng mga complainant na kahit anong tapak nila sa preno ay hindi ito gumagana.
At kahit tumigil na ang pag-andar ng Montero ay patuloy ang mataas na revolution ng makina nito at may maitim na usok na lumalabas sa tambutso, karamihan ng mga airbag ay hindi rin gumana.
Karamihan ng mga Montero ay nabili ng mga complainant ng taong 2009 at 2010
Ayon sa mga complainant, nais nilang mapanagot ang Mitsubishi Motors dahil sa mga nangyari at maibalik ang kanilang pera.
Nais rin ng mga complainant at consumer group na itigil na ng Mitsubishi ang pagbebenta ng mga Montero Sports.
Ayon naman sa Mitsubishi Philippines, iba’t iba ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng Sudden Unintended Acceleration.
Kabilang dito ang pedal entrapment, pedal misapplication, mechanical o technical failure at sticky accelerator pedal
Nanindigan rin ang Mitsubishi Philippines na walang depekto ang kanilang mga produkto at posibleng human error lamang ang biglang pagharurot ng Montero Sports.
Dagdag pa ng Mitsubishi Philippines na sila ay dealer lamang at Mitsubishi Thailand ang manufacturer ng mga Montero na dinadala sa Pilipinas.
Kung mapatunayan na may problema sa mga Montero ay irerekomenda ng DTI ang recall sa lahat ng Montero Sports. (Mon Jocson/UNTV News)
Tags: Mitsubishi Montero Sports, Sudden Unintended Acceleration