Itinanggi ng pinuno ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si General Hernando Iriberri ang lumabas na ulat na may mga training camp ang mga Jihadist sa bansa partikular na sa Mindanao.
Ayon kay Gen. Iriberri, walang impormasyong magkukumpirma nito at wala ring recruitment sa mga miyembro ng ISIS.
Binigyang-diin din ng Heneral na ang mga miyembro ng Ansar Al-Khilafah Philippines o AKP na naka-engkwentro ng militar kamakailan kung saan walo sa mga miyembro nito ang nasawi kabilang na ang isang Indonesian ay walang kaugnayan sa Islamic State o ISIS.
Nagsagawa ng law enforcement operation ang militar at pulisya noong November 26 laban sa AKP dahil sa reklamong criminal activities nito sa mga komunidad sa Sultan Kudarat.
Dagdag pa nito, ginagamit lang ng grupo ang pangalang ISIS upang makapanakot at makapangikil.
Ayon din kay Gen. Iriberri, walang nakita ang tropa ng militar na Iraqi o Syrian terrorist sa Mindanao sa kabila ng mga balitang may nakikitang banyagang terorista sa Mindanao.
Nagbigay-garantiya naman ang AFP na ginagawa nito at iba pang security forces ng pamahalaan ang lahat nang magagawa upang masugpo ang mga grupo ng masasamang-loob sa bansa. (Rosalie Coz/UNTV News)
Tags: Ansar Al-Khilafah Philippines, General Hernando Iriberri, Islamic State, training camp