Paghahanda ng Comelec sa 2016 elections apektado ng inilabas na TRO ng SC

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 2127

JAMES-JIMENEZ
Posibleng lumobo ang bilang at humaba ang pila ng mga botante sa isang presinto sa araw ng halalan.

Ito ang nakikita ng Commission on Elections kung hindi magbabago ang desisyon ng Korte Suprema na pumipigil sa Comelec na i- delist ang mga botante na hindi nakapagparehistro ng kanilang biometrics data sa ilalim ng No Bio No Boto Campaign ng komisyon.

Sa taya ng Comelec nasa dalawa at kalahating milyong botante ang hindi dumaan sa biometrics registration.

Sa orihinal na plano ng Comelec, sa tinatayang mahigit sa limampu’t apat na milyong registered voters, walong daang botante ang gagamit sa isang voting machine.

Subalit kung madadagdag sa listahan ang 2.5 million voters, mas tataas ang machine to voter ratio.

Sa ilalim ng No Bio No Boto Campaign ng Comelec target din nito na malinis ang listahan ng mga botante kaya kung maisasama ang 2.5 million voters na walang biometrics record hindi inaalis ng Comelec ang posibilidad na magkaroon ng mga flying voters.

Ayon sa Comelec mahirap na sangayon ang kumuha ng karagdagang makina sakaling isasama sa voters list ang 2.5 million voters na walang biometrics record.

Apektado rin ng inilabas na TRO ng SC ang pagsasapinal ng project of precincts.

Sa project of precincts nadedetermina ang bilang ng botante sa isang presinto.

Una nang sinabi ng Comelec na ang No Bio No Boto Campaign ay nakasaad sa Republic Act 10367 o ang Mandatory Biometrics Voter Registration Act kung saan ang isang botante ay kailangang sumailalim sa biometrics registration upang hindi madeactivate bilang botante.

Sampung araw ang ibinigay ng Korte Suprema sa Comelec upang sagutin ang petisyon na inihain ng Kabataan Partylist.

Umaasa ang Comelec na mareresolba na ang isyu sa lalong madaling panahon. (Victor Cosare/UNTV News)

Tags: , ,