Mga militante, hindi pinapayagang makalapit sa Olongapo City Hall of Justice-PNP

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 5220

LAUDE
Maaga pa lamang ay naka-pwesto na ang mga tauhan ng Philippine National Police sa loob at labas ng Olongapo City Regional Trial Court upang ipatupad ang mahigpit na seguridad sa pagbababa ng hatol kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kaugnay ng pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude.

Nagdagdag pa ng tauhan ang PNP sa mga barikada at sa apat na kanto papunta sa Olongapo RTC upang mapigilan ang planong pagma-martsa ng mga militante.

Hindi rin pinapayagan ang basta-bastang pagpasok ng mga tao sa city hall maliban sa mga empleyado.

May k-9 unit ring naka-bantay sa labas ng City Hall of Justice at may inilagay ring fire truck bilang pang-harang sa mga demonstrador na magtatangkang pumasok sa korte.

Pasado alas-nueve kaninang umaga nang magsimulang magtipon malapit sa City Hall of Justice ang mga raliyista na mula pa sa Bataan, Zambales at Pampanga at pasado alas dose ng tanghali ay nadagdagan pa ito ng grupong bayan.

Nakatutok rin ang grupong bayan sa pagbababa ng hatol kay Pemberton.

Naglunsad ng kilos-protesta ang mga militante bilang suporta sa pamilya Laude at ipanawagan nasa pilipinas ikulong si Pemberton sakaling mahatulan ito ng guilty sa kasong murder.

Ayon sa pamunuan ng PNP, walang permit to rally ang mga militante kaya hindi sila papayagang makalapit sa harapan ng RTC.

Sa kabila nito ay idinadaing naman ng mga nagtitinda na malapit sa Olongapo RTC ang matumal na bentahan ng kanilang paninda.

Ito ay dahil naka pwesto sila sa mga kalsadang pansamantalang isinara ng PPNP.

Ang iba naman ay nagsara na ng kanilang tindahan dahil sa walang taong dumadaan o bumibili sa kanila.

Umaasa naman ang mga residente ng Olongapo City na pagkatapos maibaba ang hatol kay Pemberton ay babalik na rin sa normal ang pamumuhay nila na ilang buwan ring naperwisyo dahil sa isinasagawang pagdinig dito sa Olongapo RTC. (Joshua Antonio/UNTV News)

Tags: ,