112 temporary learning spaces sa Albay, target na matapos ngayong linggo

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 8027

Labindalawang temporary learning classroom na lamang ang kailangan tapusin ng Department of Education para makumpleto ang 112 TLS sa buong probinsya ng Albay.

Target ng ahensya na matapos ngayong linggo ang mga temporary learning spaces upang magamit ng mga estudyante na naapektuhan ang pag-aaral simula ng mag-alboroto ang Bulkang Mayon.

Ayon kay Ginang Fatima Buen, Assistant Division Superintendent ng DepEd Albay, tanging ang mga bayan na lamang ng Guinobatan, Camalig at Daraga ang natitirang mga lugar na hindi pa tapos ang mga TLS.

Isa ang TLS sa Cotmon National High School sa Camalig, Albay sa malapit ng matapos. Gawa ito sa coco lumber at may bubong na yero, kulang na lamang ng lona upang itabing sa paligid ng kanilang pansamantalang silid-aralan.

Ito ang unang pagkakataon na ginamit na evacuation center ang kanilang eskwelahan. Lahat ng kanilang classrooms, hanggang sa ngayon ay ginagamit ng mga evacuees.

Kaya naman napilitan silang magpatayo ng pitong TLS upang makapagpatuloy ng pag-aaral ang mahigit isang libo at tatlong daang grade 7 hanggang grade 12 students.

Ayon sa mga guro ng Cotmon High School, dahil sa TLS mas ganado ngayon ang mga estudyante na mag-aral dahil hindi na sila pupwesto sa covered court ng barangay.

Payo ng Kagawaran ng Edukasyon na magkaroon ng lamang ng shifting of classes sa mga paaralang apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon upang makabawi sa mga naiwang aralin.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,