Sa ikalawang araw ng pagdinig ng The Hague Permanent Court of Arbitration na idinulog ng Pilipinas, natuon ang pagtalakay sa ginagawang pagharang ng China sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal at konstruksiyon sa West Philippine Sea.
Ipinirisinta ng legal counsel ng Pilipinas na si Attorney Lawrence Martin ang mga testimonya ng mga Pilipinong mangingisda kaugnay ng ginagawang paghadlang ng China sa lugar na tradisyunal na nilang pinangingisdaan sa Bajo de Masinloc.
Pinatunayan rin ni Atty. Martin na base sa 1784 na mapa, ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ay matagal nang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ipinakita naman ni Atty. Andrew Loewenstein ang mga satellite image ng konstruksyon ng China sa Mischief Reef at iba pang lugar.
Sa video simulation, ipinakita sa tribunal kung paano sinisira ng cutter suction dredger ang mga yamang dagat sa pagkuha ng buhangin na ginagamit na panambak sa itinatayong isla.
Ayon kay Loewenstein, malinaw na paglabag ito sa sovereign rights ng Pilipinas. ( Nel Maribojoc/UNTV News)