11 karagdagang testigo, ipi-presenta sa bail hearing ni Andal Ampatuan Jr simula sa huwebes

by Radyo La Verdad | October 20, 2015 (Tuesday) | 1752

AMPATUAN
Labing isang testigo pa ang nakatakdang ipresenta ng kampo ni Andal Ampatuan Jr bilang ebidensiya sa pagpapatuloy ng kanyang bail petition.

Sa inilabas na kautusan ni Judge Jocelyn Solis Reyes, pinayagan si Andal Jr. na magpresenta ng karagdagang rebuttal witness.

Kabilang na rito ang kanyang dating abogado na si Atty Sigfrid Fortun.

Tatlo sa mga testigo ang magpapatunay umano na wala si Andal Jr sa lugar ng massacre nang mangyari ang karumal-dumal na krimen.

Uumpisahan ang presentasyon ng karagdagang mga testigo ngayong darating na Huwebes, October 22 at tatagal hanggang sa Disyembre.

Sa kasalukuyan ay anim na mga akusado na lamang sa Maguindanao Massacre ang may nakabinbing bail petition.

Lima sa mga ito ang submitted for resolution na at tanging si Andal Jr. na lamang ang magpipresenta pa ng ebidensya.

Si andal jr ang isa sa pangunahing akusado sa kaso Maguindanao massacre na sinasabing kasama mismo sa mga bumaril at pumatay sa limampu’t walong mga biktima noong November 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao.

Sa halos pitumpung akusado na naghain ng petisyon upang makapagpyansa, animnapu’t dalawa dito ang naresolba na ng korte.

Apatnaput lima ang pinayagang magpyansa upang pansamantalang makalaya.

Habang labimpito naman ang hindi pinayagan kabilang na si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan. ( Roderic Mendoza / UNTV News )

Tags: , ,