Minsan nang pinagsisihan ng batang si Lyn, hindi tunay na pangalan ang pagsapi nito sa New People’s Army sa Masbate, 2 taon ang nakalipas.
Sa murang edad, nakaranas aniya siya ng miserableng buhay sa kilusan ng mga armadong grupo na lumalaban sa pamahalaan.
Sumapi si Lyn sa NPA sa edad na 14, at sa halip aniya na paglalaro at pag-aaral ang kanyang inaatupag, baril at bala ang palagi nitong dala-dala. At dahil may angking talino, pinagkatiwalaan din si Lyn ng samahan na humawak ng budget ng kilusan.
Isa lamang si Lyn sa 109 na dating miyembro ng NPA na nagbalik-loob na sa pamahalaan sa Masbate.
Sa pagbisita sa probinsya ng Masbate ni Secretary of National Defense Delfin Lorenzana, iniharap sa kaniya ang nasa 109 former rebels na pawang mula sa mga probinsya ng Sorsogon at Masbate.
Pinangunahan ng kalihim ang pagkakaloob sa mga ito ng agarang livelihood assistance tulad ng sewing machine sa mga babae habang welding machine naman sa mga kalalakihan. Ito ay sa ilalim Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng Duterte administration.
Layunin nito na magbigay ng tulong sa mga dating rebeldeng kusang loob na sumusuko sa pamahalaan upang makamit ang kapayapaan at katahimikan ng bansa.
Ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), nakapagturo na sa mga dating rebelde ng mga livelihood seminars tulad ng welding machine skills, rug making para sa mga kababaihan at small engine skills.
Sa susunod na taon ay pagkakalooban na rin ng sariling bahay at lupa ang mga fomer rebels na kabilang sa programa ng E-CLIP.
Sa ngayon ay pansamantalang nanunuluyan ang 109 mga sumukong rebelde sa half way house na matatagpuan sa loob ng Masbate Police Provincial Office.
Samantala, batay naman sa pag-aaral ng National Government, pumapangalawa ang Bicol Region sa may pinakamaraming bilang nga mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan.
Nauna rito ay ang probinsya ng Davao sa Mindanao.
( Allan Manansala / UNTV Correspondent )
Tags: BICOL REGION, MASBATE, NPA