Delegasyon ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal iginiit na hindi naaayon sa UNCLOS ang nine-dash-line ng China

by Radyo La Verdad | November 25, 2015 (Wednesday) | 5344

FLORIN-HILBAY
Inilatag na ni Solicitor General Florin Hilbay ang mga puntong ipipresenta ng delegasyon ng Pilipinas sa unang round ng argumento sa The Hague Permanent Court of Arbitration nitong martes.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang unang usapin na nilatag ng Pilipinas ay natuon sa kakulangan ng batayan ng China sa pag-angkin nito ng teritoryo sa pamamagitan ng nine dash line.

Ayon sa pangunahing legal counsel ng Pilipinas na si Paul Reichler, wala ito sa probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

At ang ginawang pag-angkin ng China ng mga teritoryo sa West Philippine Sea ay naging sanhi ng pagkabigo ng Pilipinas na makapangisda at makapagsaliksik.

Tinalakay naman ni Professor Bernard Oxman na hindi naaayon sa UNCLOS ang pag-angkin ng teritoryo ng China sa South China Sea at nilalabag na nito ang karapatan ng mga coastal state kabilang na ang sa Pilipinas.

Samantala, binigyang-diin naman ni Andrew Loewenstein na walang naging ekslusibong control ang China sa West Philippine Sea sa matagal na panahon.

Iprinesenta rin nito sa Arbitral Tribunal ang walong sinaunang mapa.

Isa rito ay sing-tagal pa ng Ming Dynasty upang ipakita na hindi noon kabilang sa inaangking teritoryo ng China ang nakapaloob sa nine dash line na iginigiit nito ngayon.

Tiwala ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino the third na matibay ang mga batayan at ebidensyang nilalaman ng petisyon ng Pilipinas partikular na sa mga argumento na may kaugnayan sa claims ng bansa. (Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , , ,