Pangulong Aquino, nakabalik na sa bansa matapos dumalo sa 27th ASEAN Summit sa Malaysia

by Radyo La Verdad | November 23, 2015 (Monday) | 1806

from asean NIA 3

Sinalubong ng mga miyembro ng kanyang gabinete si pangulong Benigno Aquino III na dumating kaninang madaling araw, Nov. 23, 2015, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal three mula sa pagdalo sa ika-27 ASEAN Summit sa Kuala Lumpur Malaysia.

At sa pagbabalik bansa ng pangulo mula sa dalawang araw na summit, ibinalita niya na maraming mga lider ng ibat-ibang bansa ang nagpahayag ng suporta na magkaroon ng code of conduct sa West Philippine Sea.

Muli namang umapela si pangulong Benigno Aquino the third sa China na irespeto at pairalin ang rule of law sa gitna ng namumuong tensyon sa West Philippine Sea dahil sa malawakang reklamasyon ng China at paggamit ng pwersa upang itaboy ang mga Pilipinong mangingisda.

Sa kanyang mensahe kahapon, iniisa-isa ng pangulo ang mga insidente sa West Philippine Sea na nakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at China.

Kabilang na dito ang pamumuwersa at pagtaboy ng China sa mga barkong nagsasagawa ng survey sa Recto Bank na 80 milya lamang ang layo sa Palawan at malinaw na sakop ng 200-nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas at ang mga insidente ng sapilitang pagpapaalis sa mga mangingisdang Pilipino sa kanilang tradisyonal na pangisdaan sa Scarborough o Panatag Shoal at ang pagbabawal sa kanila na mangisda sa naturang lugar na malinaw na sakop ng eez ng bansa.

Ang mga insidenteng ito ayon sa pangulo ang nagtulak sa Pilipinas upang dumulog sa International Arbitral Tribubal, na patuloy na hindi kinikilala ng China ang jurisdiction sa kasong isinampa ng bansa.

Samantala, napagkasunduan din ang paglulunsad ng ASEAN community at ASEAN Vision 2025 kung saan babalangkasin ang direksyon sa mga susunod na mga taon ang pagpapalakas sa aspetong pang-seguridad, ekonomiya at panlipunan.

Mas papaigtingin din ang functional cooperation upang mapanatili ang pagharap sa mga isyung kinakaharap ng bawat miyembro ang ASEAN nation.

Sinamantala na rin ng pangulo ang pagkakataon upang makapagpaalam sa huling pagdalo niya sa ASEAN Summit bilang pangulo ng bansa.

Sa taong 2017 ang Pilipinas ang muling magiging host ng susunod na ASEAN Summit

(Benedict Galazan/UNTV News Correspondent)

Tags: , , ,