Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng Crime Laboratory Police Regional Office ARMM ang natagpuang ulo at katawan sa magkahiwalay na lugar sa Sulu kamakailan
Bagaman kinumpirma na ng AFP ang pamumugot ng ulo ng Abu Sayyaf sa Malaysian hostage na si Bernard Then Ted Fen, hindi pa tukoy ng mga otoridad kung mga labi nito ang natagpuan.
Si Then ang isa sa dalawang Malaysian na dinukot ng teroristang grupo sa Ocean King Seafood restaurant sa Sandakan noong may 15
Ayon naman sa AFP, wala pa silang naibibigay na abiso sa Malaysian Government hinggil sa pangyayari kaya’t hindi nito alam kung saan galing ang impormasyong nakarating sa Malaysian Prime Minister
Base sa inisyal na impormasyong nakarating sa AFP, pinugutan ng ulo ang 39 na taong gulang na Malaysian hostage sa Barangay Taran, Indanan, Sulu noong martes dahil sa hindi nakapagbayad ng ransom money na hinihingi ng ASG.
Sa ngayon, patuloy na tinutugis ng militar ang teroristang grupo upang ma-rescue ang iba pang dinukot ng Abu Sayyaf.
Tags: Abu Sayyaf, Bernard Then Ted Fen, Malaysian Government, Malaysian Prime Minister
ZAMBOANGA CITY, Philippines– Patuloy na tinutugis ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu, alinsunod sa mandato ni Pangulong Duterte na all-out offensive kontra bandidong grupo, kasunod ng naganap na pagsabog sa Jolo.
Ayon sa Western Mindanao Command (Westincom), nakabakbakan ng 1st Scout Ranger Batallion ang nasa dalawampung miyembro ng Ajang-Ajang group na nasa ilalim ni Abu Sayyaf Group (ASG) sub-leader Hatib Hajan Sawadjaan.
“This is after the airstrikes we conducted two days or three days ago, tuluy-tuloy ito eh. It’s been three days now, ‘yung airstrikes doon at saka artillery shelling. The same group ‘yan yung may napatay the other day, si Umal Usop,” ani Westincom spokesman Col. Gerry Besana.
Tumagal ang bakbakan ng limang minuto at agad na umatras ang mga kalaban.
Naniniwala ang AFP na kasama ng grupo ang pangunahing suspek sa pagpapasabog sa Sulu na si Kamahd.
Naka-sentro ngayon ang opensiba ng militar sa Patikul na kilalang teritoryo ng Abu Sayyaf.
Wala namang naiulat na nasaktan sa panig ng pamahalaan habang patuloy pa rin ang clearing operations upang malaman kung ilan ang casualty sa mga kalaban.
Tiniyak naman ng AFP na gagawin nila ang lahat para maiwasan ang collateral damage.
“It is our pledge to protect the rights of all Filipinos and all human being. ‘Pag may nagkakamali sa amin, kaso ang aabutin namin, and we do not tolerate any and any collateral damage,” pagsiguro ni Besana.
Tags: Abu Sayyaf, all-out offensive, Armed Forces of the Philippines, Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, jolo, patikul sulu
SULU, Philippines – Tinutugis na ng militar ang mahigit sampung miyembro ng Ajang Ajang group na hinihinalang responsable sa pagpapasabog sa Jolo, Sulu. Ayon kay AFP Western Mindanao Command LTC. Gerry Besana, kilala ng mga residente ang mga suspek dahil tagaroon din ang mga ito.
Sa kuha ng security cameras ng ilang establisyimentong malapit sa pinasabog na katedral sa Jolo, Sulu ay kitang-kita ang tatlo sa mahigit sampung mga suspek sa pagpapasabog na nakilala na ng militar.
Ani PNP PDG Chief Oscar Albayalde, “basically, itong Ajang Ajang na ‘to either kapatid (o) anak nitong mga Abu Sayyaf din… Itong mga ito basically ay members ng Abu Sayyaf also.”
Sinabi naman ni AFP-Western Mindanao Command Spokesperson LTC. Gerry Besana na isa sa tatlong nahagip ng cctv ay si alyas Kamah na kapatid ni Abu Sayyaf sub leader Surakah Ingog na napatay sa military operation.
Si Kamah aniya ang naka blue green na jacket na siyang pumindot sa cellular phone na ginamit bilang triggering device sa pagpapasabog.
“Sila talaga, nakita yung pagpitik sa cellphone sakto sa pagsabog and at the same time 100 percent ang identification. Kilalang-kilala ‘yan, hindi ‘yan bago. Hindi ‘yan iba diyan sa lugar,” pahayag ni Besana.
Bihasa aniya sa paggawa ng bomba si Kamah katulad ng kapatid nito na si Ingog. Ang Ajang Ajang group ay sangkot din umano sa kidnapping, extortion at iba pang krimen sa mga urban area sa Sulu.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: Abu Sayyaf, Ajang Ajang, Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, bomba, bombing, Gerry Besana, Jolo Sulu
SULU, Philippines – Paghihiganti ang isa sa mga nakikitang dahilan ng Armed Forces of the Philippines sa nangyaring pagbabasabog sa Jolo, Sulu noong Linggo.
Sa ulat ng Western Mindanao Command, umabot na sa 21 ang namatay at 96 naman ang sugatan.
Kinilala ang suspek na si alyas Kamah na kapatid umano ni Abu Sayyaf Group subleader Sukara Ingug na napatay ng mga militar noong Agosto ng nakaraang taon. Miyembro rin ito ng Ajang-Ajang na isang grupo na konektado sa Abu Sayyaf.
Sa kuha ng cctv, makikita si Kamah at ang dalawa nitong kasamahan na naglalakad matapos ang unang pagsabog. Ilang segundo lamang ang nakalipas, may dinukot ito sa kaniyang bulsa na pinaniniwalaang cellphone na ginamit bilang triggering device ng isa pang improvised explosive device (IED) na sumabog sa labas ng katedral. Pagkatapos nito ay agad namang tumakas ang mga suspek sa lugar.
Ayon kay Lieutenant Colonel Gerry Besana, tagapagsalita ng AFP WestMinCom, base sa kanilang intelligence report ay matagal nang may planong gumawa ng karahasan si Kamah.
“Ito rin yun nagbanta sa atin. Na-monitor natin ‘yan through our intelligence na gaganti talaga ito so ito yung matagal na nating binabantayan since last year. May dalawa pa siyang kasama. Actually, ito ‘yung Ajang-Ajang kasi nag-evolve ito from mga criminal syndicate diyan. Alam mo ‘yung mga adik-adik sa Jolo noong araw,” ani Lieutenant Colonel Besana.
Samantala bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Sulu kahapon partikular sa pinangyarihan ng pagsabog. Galit na ipinag-utos ng Punong Ehekutibo na pulbusin ang bandidong Abu Sayyaf Group sa lahat paraang at kagamitan mayroon ang sandahang lakas.
“I order you to destroy the organization. I’m ordering you now pulpugin (pulbusin) ninyo ang Abu Sayyaf by whatever means. Mayroon (man) tayong helicopter, may eroplano mayroong mga barko, ‘yung mga bala natin diyan sa mga kanyon ninyo,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon naka-lockdown ang Sulu. Ibig sabihin, hindi basta-bastang makapapasok at makalalabas sa lugar kung walang sapat na dahilan.
Tiniyak naman ng AFP na gagawin nila ang lahat upang mapanagot ang mga sangkot sa karahasang nangyari sa lugar.
(Dante Amento | UNTV News)
Tags: Abu Sayyaf, Armed Forces of the Philippines, Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, jolo, Jolo Sulu, Kamah