10,000 slot para sa aplikasyon ng prangkisa ng mga TNVS, bubuksan ng LTFRB ngayong Agosto

by Radyo La Verdad | August 3, 2018 (Friday) | 10991

Maaari nang makapag-apply ng kanilang prangkisa ang mga bagong papasok na transport network vehicle service (TNVS) ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ngayong Agosto, muling magbubukas ang ahensya ng sampung libong slot ng prangkisa para sa mga nagnanais na mag-TNVS. 65,000 ang itinakdang supply cap para sa mga TNVS na papayagang bumiyahe.

Base sa hawak na masterlist ng LTFRB, 55,000 na mga TNVS ang kinakailangang ma-iproseso ang prangkisa at mangangailangan pa ng dagdag na sampung libong unit.

Bagaman wala pang itinatakdang petsa para sa deadline ng franchise application, umapela ang LTFRB sa mga TNVS na asikasuhin na ang kanilang mga prangkisa.

Ayon kay LTFRB chairman Atty. Martin Delgra III, sa 55,000 na nasa masterlist, nasa 20,000 pa lamang ang nag-aasikaso ng kanilang aplikasyon.

Samantala, inamin naman ng ilang bagong transport network company na hirap pa rin silang makipagsabayan sa Grab.

Ayon sa OWTO, lubhang nasanay na ang mga pasahero sa Grab kaya’t hirap silang ipakilala ang kanilang serbisyo.

Paliwanag naman ng Philippine Competition Commission, natural lamang na mahirapang makipagsabayan sa simula ang mga bagong TNC laban sa Grab.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,