1,000 mga batang 5-11 y/o, target na mabakunahan sa pilot COVID-19 vaccination ng naturang age group – NVOC

by Radyo La Verdad | February 7, 2022 (Monday) | 3840

METRO MANILA – Bahagi sa paghahandang ginawa para sa pediatric vaccination ay ang retraning ng mga bakunador sa proseso ng pagbibigay ng COVID-19 vaccines sa mga batang Pilipino.

Reformulated o mas mababang dosage ng Pfizer COVID-19 vaccines ang ituturok sa mga batang 5-11 taong gulang.

Noong Biyernes (February 4) ng gabi, dumating sa bansa ang 780,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccines para sa naturang age bracket.

Ayon kay National Vaccination Operation Center Co-Lead Dr Kezia Lorraine Rosario, target nilang makapag bakuna ng nasa 1,000 bata sa pilot implementation ngayong araw (February 7).

Isasagawa ito sa 38 piling lugar sa NCR, Central Luzon, Calabrazon at sa Maguindanao.

Ayon naman kay Health Spokesperson Usec Maria Rosario Vergeire, 30 million COVID-19 vaccine doses ang isu-supply ng Pfizer para sa 5-11 y/o vaccination sa bansa.

Sapat aniya ito sa pagbabakuna ng nasa 15.48 million na bata sa naturang age group.

Samantala, sa kabila ng paghahain ng petisyon na ipatigil ang pagbabakuna sa mga bata kontra COVID-19.

Inihayag ng Philippine Pediatric Society at ng Pediatric Infectious Disease Society of
the Philippines ang suporta nito sa DOH na simulan na ang COVID-19 vaccine roll out sa 5-11 y/o.

Ayon sa mga grupo ng pediatric experts, at risk din sa severe COVID-19 infection ang mga bata.

Binigyang diin ng mga grupo na ang pagbabakuna kontra COVID-19 ay ang pinakamabisang paraan upang ma- protektahan ang mga bata sa sakit maging sa mga kumplikasyon na dulot nito.

Tiniyak ng mga eksperto na ligtas at mabisa ang Reformulated COVID-19 vaccine para sa mga bata.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,