1000 bus na dumaraan sa Edsa, inaasahang mababawasan sa pagbubukas ng Eastern Transport Terminal sa Marikina City

by Radyo La Verdad | August 15, 2017 (Tuesday) | 3231

Opisyal nang binuksan kahapon ng Department of Transportation at ng MMDA ang Eastern Transport Terminal sa Marikina City.

Sa ngayon ay mayroon ng apat na bus company ang nagte-terminal dito na may biyahe patungong Iloilo, Caticlan Romblon at sa Mindoro.

Sa pagtaya ng ahensya aabot sa isang libong mga bus ang kayang mailipat dito, na inaasahang makakatutulong upang mapaluwag ang trapiko sa Edsa.

Plano ng DOTR at ng MMDA na ilipat dito ang mga bus company sa Edsa na hindi nakakasusunod sa nose in-nose out policy.

Ayon sa Bright Future Realty Corporation na siyang nagpapatakbo sa naturang terminal, ang lahat ng provinicial bus na magte-terminal sa lugar ay hindi na padaraanin sa Edsa.

Sa halip ay babaybayin ng mga ito ang kahabaan ng C5, o di naman kaya ay sa Kalayaan at Mindanao Avenue.

Inatasan naman ng Transportation Department Management ng terminal na gawing online-based ang pagbook ng mga biyahe ng mga pasahero.

Sa ngayon ay tinatapos pa ang konstruksyon ng ilang mga pasilidad sa terminal, at inaasahang magiging fully-operational ito bago matapos ang taon.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,