100 naghain ng kandidatura sa pagkapangulo, idineklarang nuisance ng COMELEC

by Radyo La Verdad | December 7, 2015 (Monday) | 1520

COMELEC
Sa isang daan at tatlumpung nagsumite ng Certificate of Candidacy sa pagkapangulo noong October 12 to 16, isang daan at dalawampu’t lima ang sinampahan ng komisyon ng petisyon upang ideklarang nuisance candidate.

Matapos ang pag-aaral ng dalawang dibisyon ng COMELEC sa mga petisyon, isang daan ang idineklara na ng comelec na nuisance o mga panggulo sa halalan.

Naka- pending pa ang petisyon laban sa dalawampu’t lima.

Ngunit hindi kasama sa mga idineklarang nuisance candidate si Martin Diño.

Isa si Diño sa mga sinampahan ng motu propio petition to declare as nuisance candidate ng COMELEC dahil sa umano’ y kawalan ng kakayahan nitong magsagawa ng national campaign at ang hindi seryosong intensyon na tumakbong pangulo.

Matapos masampahan ng reklamo binawi ni Diño ang kaniyang kandidatura.

Batay sa desisyon ng COMELEC Second division, dismissed ang petisyon kay Diño dahil moot and academic na ito.

Subalit wala pang desisyon ang COMELEC kung tinatanggap na nito ang kandidatura ni Mayor Rodrigo Duterte bilang presidential candidate ng pdp laban kapalit ni Diño.

Reresolbahin muna ng COMELEC ang petisyon ng laban sa kandidatura ni duterte sa pagkapangulo.

Bukod sa presidential candidates, siyam naman sa mga tumatakbong bise presidente ang dineklarang nuisance habang siyamnapu’t anim naman sa mga naghahangad maging senador.

Target ng COMELEC na maisapinal ang listahan ng mga kandidato sa December 15.

(Victor Cosare/UNTV Corresponden)

Tags: , , ,