METRO MANILA – Patuloy pang dumarami ang mga paaralan sa bansa na nakabalik na sa face-to-face classes dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Dahil dito, mas niluwagan pa ng pamahalaan ang mga restriksyon sa mga paaralan sa bansa para sa unti-unting pisikal na pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Mula sa 70% operation capacity sa ilalim ng Alert Level 2, magiging 100% o full capacity na ang pinapahintulutan sa Alert Level 1.
Gayunpaman ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chair Prospero de Vera III, pinapayagan parin nilang mag-pasya ang mga pamantasan kung nais parin nitong limitahan ang bilang ng mga estudyanteng papasok sa campus.
“Ang desisyon sa capacity ay nandudoon parin sa pamantasan, kahit na 100 percent ang allowed na capacity kung sa palagay ng pamantasan ay mas maganda na yung sistema na mas konti ang papapasukin at gagawing salit-salitan ang klase pinapaubaya natin yan sa mga pamantasan na sila ang gagawa nito dahil sila ang nakakaalam doon sa kalagayan sa kanilang mga lugar.” ani CHED Chairperson, Prospero de Vera III.
Pero nilinaw ni de Vera na tanging mga bakunado lamang na mga estudyante, guro at school staff ang papayagang makilahok sa face-to-face classes.
Mananatili pa rin ang pagsunod sa minimum public health standards gaya ng face mask, regular disinfections at maayos na bentilasyon sa mga silid-aralan.
“Yung mga hindi bakunado pwede silang mapatuloy mag-aral sa pamamagitan ng online classes, kase ang policy ng CHED sa lahat ng higher education institutions ay flexible learning policy parin yung pamantasan ang magdi-decide kung ano ang tamang mix ng face-to-face, online at offline.”
Pinapaalala rin ng CHED sa mga pamantasan na kailangan magkaroon ng crisis management committee, contact tracing protocols at dapat ay may nakaantabay ng school clinic sakaling may mga mag-aaralan na makitaan ng kaparehong sintomas ng COVID-19.
Sa ngayon, higit 300 unibersidad na sa bansa ang nakabalik na sa physical classes at inaasahan pa ng CHED na madadagdagan pa ito lalo na sa pagbubukas ng first semester ng school year 2022-2023.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: CHED, face-to-face classes