10 unibersidad sa Metro Manila, kaisa sa umano’y ‘Red October plot’ ayon sa AFP

by Radyo La Verdad | October 3, 2018 (Wednesday) | 5405

Sampung unibersidad sa Metro Manila ang iniimbestigahan ng Armed Forces of the of the Philippines (AFP) dahil sa pagiging kaisa umano sa Red October plot o ang planong pagpapatalsik sa pwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa intelligence report na nakalap ng mga otoridad, sinasabing may grupo ng mga estudyante ang pinaniniwalaang nakikipagsabwatan sa Communist Party of the Philippines kaugnay sa planong destabilisasyon laban sa Pangulo.

Subalit tumanggi na ang AFP na pangalanan ang naturang mga unibersidad.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. may hawak silang dokumento hinggil sa umano’y madalas na pakikipag-conference ni Communist Party of the Philippines Founder Joma Sison sa University of the Philippines. Idinetalye rin ng pinuno ng AFP ang ilan sa mga planong nakapaloob sa Red October plot.

Kabilang dito ang tinatawag na Operation Talsik At Operation Aklasan, kung saan magsasagawa ng malawakang labor protest at tactical offense ang CPP-NPA.

Magkakasunod na malawakang kilos-protesta ang umano’y isasagawa ng mga grupong kaalyado ng CPP hanggang sa Disyembre, kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng organisasyon.

Samantala, kinumpirma rin ng AFP na hindi kasama sina Senator Antonio Trillanes IV, Senator Francis Pangilinan, at ang Liberal Party sa umano’y destabilization plot laban sa Pangulo.

Iginiit naman ni Senator Trillanes na walang katotohanan ang umano’y pagre-recruite ng magdalo group sa hanay ng AFP kaugnay ng umano’y tangkang destabilisasyon.

Pero nanindigan ang afp na mayroon silang mga nakuhang intelligence report hinggil dito.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,