(UPDATE) Agad binawian ng buhay ang ilang CAFGU, sundalo at sibilyan sa isang checkpoint sa Lamitan, Basilan matapos sumabog ang isang bomba kaninang pasado alas singko ng madaling araw.
Naglagay ng checkpoint sa Barangay Colonia ang mga sundalo matapos makatanggap ng ulat na may magpapasok ng bomba sa bayan.
Isang kahina-hinalang van ang dumaan sa checkpoint subalit habang sinusuri ng mga otoridad ang sasakyan, bigla itong sumabog.
11 ang nasawi sa pagsabog ng improvised explosive device (IED) kabilang ang limang CAFGU, isang sundalo na miyembro ng Special Forces, apat na sibilyan na mga kamag-anak ng CAFGU at ang driver ng sumabog na van.
Pito naman ang sugatan sa pagsabog kabilang ang isang CAFGU at anim na sundalo.
Ayon kay Lt. Col. Gerry Besana, ang spokesperson ng Western Mindanao Command na nakakasakop sa Basilan, patuloy pa nilang inaalam kung sino ang responsable sa insidente.
Ayon naman sa isang lokal na opisyal ng Basilan, posibleng Abu Sayyaf pa rin ang may kagagawan ng pagpapasabog.
Kinondena rin nito ang aniya’y nangyaring terrorist attack sa kanilang lugar.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )