10% ng loose firearms sa Sulu, isinuko ng lokal na pamahalaan kay Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | March 27, 2018 (Tuesday) | 5716

Nagtungo kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Patikul, Sulu. Dito iprinisenta ng mga local chief executives sa Pangulo ang nasa animnaraan at pitumpu’t dalawang mga loose firearms na isinuko umano ng mga residente mula sa iba’t-ibang lugar sa probinsya.

Kabilang sa mga ito ang ilang m1 garand rifles, m-16 rifles, m-14 rifles, machine guns, grenade launchers at iba pa.

Ayon sa Philippine Army, ang mga isinukong armas ay nasa sampung porsyento pa lamang ng loose firearms sa lalawigan.

Kasabay nito ay iprinisenta rin ng Philippine Army ang pitumpu’t anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group na sumuko sa pamahalaan.

Samantala, inihayag naman ng pangulo na nais nitong maipasa na bilang batas ang panukalang Bangsamoro Basic Law bago matapos ang taon. Ito aniya ang nakikita niyang makakareresolba sa nais ng mga Moro people na otonomiya.

Ngunit ayon sa lokal na pamahalaan, kung sila ang tatanungin ay mas pipiliin nila ang pederalismo kaysa sa BBL.

At upang alamin ang pulso ng publiko kaugnay ng isyu, sinabi ng pangulo na magsasagawa ito ng isang linggong konsultasyon sa mga stakeholder

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,