10-5 rice production project ng Philrice, makatutulong upang maging rice self-sufficient ang bansa-Sen. Villar

by Radyo La Verdad | November 12, 2015 (Thursday) | 5249
File Photo: UNTV News
File Photo: UNTV News

Suportado ni Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar ang inilunsad na 10-5 rice production project ng Philippine Rice Research Institute o Philrice.

Sa isinagawang 2015 field day sa Batac, Ilocos Norte kaugnay ng pagdiriwang ng National Rice Awareness Month, nilibot ni Sen. Villar ang sangay ng Philrice upang tingnan ang proyekto.

Naniniwala si Villar na makatutulong ito upang maabot ang target ng bansa na maging rice self-sufficient bukod pa sa maaari tayong makipag-kumpetensya sa mas mababang cost production sa hinaharap.

Ang 10-5 rice production ay isang nationwide project ng Philrice na layong maiproduce sa mas mababang halaga ang 10-metric tons per hectare na palay sa pamamagitan ng Agricultural Science and Technology.

Ayon kay Villar, mahalaga ang proyektong ito lalo’t lalahok na ang Pilipinas sa Asean Regional Economic Integration na sesentro sa kumpetisyon, malayang kalakalan at palitan ng mga serbisyo sa iba’t ibang bansa.

Samantala, sinabi naman ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na dapat mahikayat ang mga kabataang Pilipino sa pagpasok sa larangan ng pagtatanim at pangingisda upang muling mapalakas ang sektor ng agrikultura.

Ang 2015 field day tour ay dinaluhan rin ng mga magsasaka, researchers at mga estudyante mula sa La Union , Ilocos Sur, at Ilocos Norte.

Tampok rin sa field day tour ang iba’t ibang agricultural technology na maaaring magamit ng mga magsasaka upang mapalago ang kanilang ani sa mas mababang halaga ng gastusin.(Grace Doctolero/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,