1 yr-Moratorium sa Land Amortization, Interest Payments ng Agrarian Reform beneficiaries, nilagdaan ni PBBM

by Radyo La Verdad | September 14, 2022 (Wednesday) | 6921

METRO MANILA – Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order na nagdedeklara ng 1 taong moratorium sa pagbabayad ng Agrarian Reform beneficiaries sa kanilang Land Amortization at interes.

Ayon kay Pangulong Marcos Jr, ang pansamantalang hindi pagbabayad ng annual amortization ay malaking tulong sa mga magsasaka na benepisyaryo ng agrarian reform program.

Sa halip na pambayad utang, magagamit aniya ang pera upang mapaunlad ang kanilang sakahan at matutukan ang kanilang produksyon.

Ang naturang EO ay ipinangako ni PBBM sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA).

Sinimulan naman ni Pangulong Marcos Jr. ang kaniyang pagdiriwang ng ika-65 na kaarawan kahapon (September 13) sa pagtatanim ng “kawayang tinik” sa old landfill ng pintong bukawe sa San Mateo, Rizal.

Bahagi ito ng nationwide simultaneous tree and bamboo planting.

Ayon kay Pangulong Marcos Jr. sa kaniyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) binigyang diin niya ang kahalagahan na mapangalagaan at mabigyan ng atensyon ang kalikasan.

Aniya malaki ang kapakinabangan ng pangangalaga sa kalikasan ay sa ikauunlad rin ng bansa.

Sa pagbisita naman kahapon (September 13) ni PBBM sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) centers at residential care facilities sa San Juan City, nakisalamuha at namigay ng regalo ang pangulo sa mga inaalagaang mga bata sa white cross.

Sa kaniyang mensahe, nagpahayag ng kasiyahan ang pangulo dahil sa kaniyang kaarawan na nakasama niya ang mga batang nasa ampunan.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,