1 flyover at 2 tulay isasailalim sa rehab, trapik asahan ngayong “ber months”

by Jeck Deocampo | September 7, 2018 (Friday) | 4704
Mabini Bridge (File photo from Alcheteron.com/wikimapia.com)

 

METRO MANILA – Inabisuhan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)  ang mga motorista hinggil sa inaasahang lalo pang pagsisikip ng trapiko ngayong holiday season.

 

Ito’y dahil sisimulan nang isara sa mga sasakyan sa ika-15 ng Setyembre ang Old Sta. Mesa bridge na matatagpuan sa boundary ng Maynila at San Juan City.

 

Ayon sa MMDA, gigibain na ng DPWH ang naturang tulay upang bigyang daan ang pagdating ng barge o ang malalaking bangka na naglalaman ng mga construction material para sa itinatayong skyway connector project.

 

Samantala, maging ang pundasyon ng tulay ay kailangang gibain. Kaya naman kinakailangan munang maghanap ng alternatibong ruta ang nasa 8,000 motorista na dumadaan sa tulay kada araw.

 

Bukod sa tulay ng Old Sta. Mesa, isasabay na rin ng DPWH ang rehabilitasyon ng Nagtahan flyover at Mabini bridge sa Maynila. Subalit southbound lane lamang nito ang isasara sa mga motorista simula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

 

Tatagal ang kontruskyon ng Old Sta. Mesa bridge sa loob ng pitong buwan samantalang apat na buwan naman ang Mabini at Nagtahan bridge.

 

Ulat ni Joan Nano/ UNTV News and Rescue

Tags: , , , , , ,