1 Filipino crew member sa Diamond Princess Cruise Ship sa Yokohama, Japan, kumpirmadong may nCoV

by Erika Endraca | February 6, 2020 (Thursday) | 1515

Nakatutok ngayon ang Philippine Embassy sa Tokyo at mino-monitor ang kapakanan ng mga Pilipinong nakasakay sa Diamond Princess Cruise Ship.

Nakadaong ito ngayon sa Yokohama, Japan kasunod ng kautusan ng Ministry of Health na isailalim ito sa 14-day Quarantine dahil sa 2019- Novel Coronavirus- Acute Respiratory Disease (nCoV-ARD).

Sa 10 taong kumpirmadong may Wuhan virus, kabilang dito ang 1 Filipino sailor, siya rin ang kauna-unahang Pilipinong nagtamo ng pinangangambahang sakit.

Samantala ang 2 ay Australian, 3 Japanese, 3 Hong Kong residents at 1 American.  Agad naman silang dinala sa isang healthcare facility para sa medical treatment.

Bukod sa Filipino crew member, nasa 538 Pilipino rin na lulan ng cruise ship ang under-quarantine sa loob ng 14 na araw.

Sumasailalim sa quarantine ang naturang cruise ship matapos bumaba sa barko ang isang 80-taong gulang na pasahero mula sa Hong Kong at positibo sa Novel Coronavirus.

Tiniyak naman ng embahada ng Pilipinas sa Japan na palagi silang nakikipag-usap sa mga Pinoy na nasa barko at nakikipag-coordinate sa mga Japanese Authority para sa kinakailangan nilang ayuda.

(Nerissa Dando | UNTV News Japan)

Tags: