1 empleyado ng Bureau of Cutoms at 2 iba pa, huli sa pangongotong sa Manila Int’l Container Port

by Radyo La Verdad | October 2, 2017 (Monday) | 1659

Nasukol ng mga tauhan ng Intelligence and Investigation Service at Enforcement and Security Sevices ng Bureau of Customs ang isang grupo ng  nangongotong sa mga lumalabas na truck mula sa Manila International Container Port o MCIP.

Kabilang dito ang security guard sa MCIP na si Allan Pagkalinawan na nakatalaga sa Pier Inspection Division at dalawang kasabwat nito na sina Bryan John Cruz at Efren Jaramillo.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, nakatanggap siya ng ulat na nagkakaroon ng congestion o pagsisikip dulot ng mahabang pila ng mga truck palabas ng MICP noong Sabado ng umaga.

Pinapunta agad niya ang kaniyang mga tauhan at dito natuklasan ang isang modus operandi.

Ang paghaba ng pila ng mga truck ay tila sinasadya ng mga nakatalaga sa Pier Inspection Division booth.

Kapag nakatigil ang mga truck, dito na nangongolekta sa mga driver ang tatlo ng mula 20 hanggang 200 pesos bawat isa.

Aabot sa mahigit 22,000 pesos ang nakumpiskang salapi mula sa umanoy kotong sa mga driver. Kaniya-kaniya namang tanggi ang mga suspek.

Aabot umano sa 2,000 kada araw ang ibinibigay umano ni pagkalinawan kay Jaramillo at Cruz.

Iniimbestigahan na rin ng BOC ang nakatalaga sa PID booth at iba pa na maaaring sangkot sa kotongan.

Nanganganib na mapataksik sa trabaho ang security guard na apat na dekada na ring nagtatrabaho sa Customs.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,