1.7 milyong trabaho, ambag ng infrastructure projects ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | July 31, 2018 (Tuesday) | 5148

Aabot sa 1.7 milyong trabaho ang malilikha ng public infrastructure program ng pamahalaan mula 2017 hanggang 2022.

Ayon kay Antonio Lambino, ang assistant secretary for strategy, economics and results ng Department of Finance (DOF), mangangailangan ang bansa ng karagdagang enhinyero, contruction workers at iba pang skilled workers para sa construction at construction-related enterprise.

Halimbawa sa mga proyektong ito ang pagtatayo ng mga kalsada, tulay, gusaling pampaaralan at pagsasaayos ng mga barangay hall.

Aniya, pumapalo sa mahigit 50 bilyong piso kada buwan ang gastos ng Pilipinas sa imprastruktura. 30% nito o nasa P15 bilyon ang napupunta sa sahod ng mga manggagawa.

Sa taong ito ay mayroong 93,195 na trabaho para sa construction sector.

Batay aniya sa ulat ng DPWH, mayroon ng 3,945 kilometro ng kalsada, 842 tulay at iba pang proyekto ang nakumpleto.

Sa tala naman ng Department of Transportation (DOTr), may walong airports at 129 commercial ports projects ang nagawa.

Ayon pa kay Lambino, kasama ang Phase 1 ng New Clark City sa flagship na 20 porsyento ng kumpleto sa loob lamang ng anim na buwan. Gayun din ang sports facilities para sa hosting ng bansa sa sea games.

Magsasagawa naman ng job fairs sa ika-12 ng Agosto sa SMX para sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Tiniyak din ni lambino na pinag-aaralan ng maigi ng economic managers ng bansa ang mga terms ang conditions sa pangungutang sa china kaya hindi ito mauuwi sa debt trap na tulad ng nangyari sa ibang mga bansa.

Aniya sakaling umutang sa China, may 2-3% interest rate na mas mababa sa iba kaya makikinabang pa rin ang Pilipinas.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,