Pasado alas dose ng umaga noong Sabado sa nang lumapag sa Francisco Bangoy International Airport ang sinasakyang eroplano ni Pangulong Rodrigo Duterte at delegasyon nito mula sa India.
Sa kaniyang pagharap sa mga kawani ng media, ibinalita nito ang naging accomplishment o mabuting bunga ng pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN-India Commemorative Summit. Pangunahin na rito ang 1.25 billion US dollars na investment pledge ng Indian Business Delegation. Sigurado aniyang makakapaglikha ng trabaho para sa libo-libong mga Pilipino.
Aniya, ang mga bagong business agreements ay may kaugnayan sa information technology partikular sa business process outsourcing, turismo, aviation at pharmaceuticals.
Samantala, sa pakikipag-usap ng Pangulo kay Indian Prime Minister Narendra Modi, napagkasunduan umano nila ang pagbabantay sa kapakanan at proteksyon ng mga overseas worker sa pagitan ng dalawang bansa.
Bukod dito, hinimok umano ng Pangulo ang India na paigtingin din ang pakikipagtulungan tungkol sa pagbabantay sa maritime borbers, terorismo at iligal na droga.
Samantala, inihayag din ni Pangulong Duterte ang plano nitong pagbisita sa Albay para personal na alamin ang kalagayan ng ating mga kababayan sa lugar.
( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )
Tags: $1.25 billion USD, duterte, India