1.2 milyong mga estudyante, nagsipagtapos ng full implementation ng senior high school program – DepEd

by Radyo La Verdad | May 11, 2018 (Friday) | 2928

Sa kabila ng mga batikos at protesta laban sa implementasyon ng senior high school program ng Department of Education (DepEd). Umabot sa mahigit 1.2 milyong estudyante ang nagsipagtapos sa unang taon ng full implementation nito.

Ayon sa DepEd, pitong daang libong mga estudyante lamang sana ang inaasahan nilang mag-eenroll sa senior high. Dahil dito, maituturing anilang matagumpay ang implementasyon ng programa.

Sa tala ng DepEd, mahigit sa anim na raang libong mga estudyante ang nag-enroll sa academic track. Habang nasa halos limang daang libo naman ang kumuha ng technical vocational and livelihood track.

Kakaunti naman ang mga enrollee sa arts and design, gayundin sa sports track.

Ayon sa DepEd, tatlumput-walong porsyento sa mga nagsipagtapos ay maari nang makapagtrabaho sa ngayon.

Karamihan sa kanila ay ang mga kumuha ng technical-vocational track na mayroon ng hawak na national certificate. Habang ang iba naman ay pinili pa rin na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

At upang lalo pang mahikayat ang iba pang mga estudyante at matulungan ang mga senior highschool graduates, plano ngayon ng DepEd na magdaos ng mga job fair at makipag-ugnayan sa mga pribadong kumpanya at iba pang ahensya ng pamahalaan upang bigyang prayordidad sa pagkuha ng mga empleyado ang mga nagsipagtapos ng senior high.

Sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo, nasa 1.5 milyong mga estudyante naman ang inaasahang papasok sa senior high school program.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,