₱10 minimum na pasahe sa jeep, aprubado na pero hindi pa epektibo

by Jeck Deocampo | October 18, 2018 (Thursday) | 14814

METRO MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ₱2 dagdag pasahe sa mga pampasaherong jeep. Sa desisyon inilabas ng LTFRB, inaprubahan na ang ₱10 minimum na pasahe para sa unang apat na kilometro ng biyahe.

 

Sakop nito ang mga jeep na bumibiyahe sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog region. Pero nilinaw ng transportation department at LTFRB na sa unang linggo pa ng Nobyembre sisimulan ang dagdag-pasahe.

 

Sa pahayag na inilabas ng DOTR at LTFRB, pinakiusapan ang mga jeepney driver na wala munang maninigil ng dagdag-pasahe dahil sa susunod na buwan pa ito magiging epektibo.

 

Ginawa ng ahensya ang pahayag matapos na lumabas ang kopya ng kautusan kaugnay ng dagdag pasahe ngunit hindi pa anila ito pinal o pirmado

 

September 2017 pa inihain ng mga transport group sa LTFRB ang kanilang petition for fare increase bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Ngunit noong Hulyo lamang ngayong 2018 nang aprubahan ng kagawaran ang ₱1 pansamantalang dagdag-pasahe sa PUJ kaya naging ₱9 ang minimum fare

 

At ngayong aprubado na ang panibagong ₱1 fare increase, magiging permanente na ang ₱10 pamasahe. Samantala hindi naman pinaboran ng LTFRB ang inihihirit na ₱1 dagdag singil sa kada susunod na kilometro ng biyahe ng jeep. Ito’y dahil sa kawalan umano ng sapat at matibay na batayan upang patunayan na makatwiran ang pagpapataw nito.

Tags: , , , , , , ,