Ipagpatuloy ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang pagpapatupad ng city ordinance 431 na nagbabawal sa paggamit, pagbenta ng firecrackers at pyrotechnics ngayong holiday season.
Kaugnay nito nagpaalala ang pamahalaang lokal at pnp sa publiko na sumunod sa ipinapatupad na ordinansa.
Sa ilalim nito, ang sinomang indibidual at business establishment na lalabag ay magbabayad ng mula isang libo hanggang limang libong piso o pagkakakulong ng mula anim hanggang isang taon.
Posible ring matanggalan ng business permit ang isang establisiyemento at kukumpiskahin ang mga produkto.
Maari naman umanong gawing transhipment o idaan sa lungsod ang mga nasabing produkto papunta sa iba’t-ibang probinsya o bayan sa probinsya basta’t hindi ito magtatagal ng tatlong araw.
Katuwang ng PNP sa pagbabantay sa mga posibleng magbebenta o gagamit ng mga ipinagbabawal na firecrackers at pyrotechnics ang Philipine Ports Authority at iba pang ahensya.
Unang ipinatupad ang pagbabawal sa firecrackers at pyrotechnics sa Zamboanga City noong 2013 sa pamamagitan ng Executive Order BC23-2013.
Ito ay kasunod nang nangyaring Zamboanga City siege na nagdulot umano ng truma sa mga residente dahil sa halos isang buwang kaguluhan.
Pagkatapos nito ay pormal nang isinulong ang city ordinance 431 para sa pagpapatuloy ng pagbabawal sa anomang uri ng paputok o pyrotechnic sa lungsod.
Mula 2013 hanggang 2014 ay nakapagtala ng zero casualty pagdating sa firecracker related incident sa Zamboanga City.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)