Binabawi na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nauna nitong desisyon na nag-uutos na ibalik ng Grab Philippines sa kanilang mga pasahero ang sobrang siningil sa mga ito. Kaugnay ito ng umano’y pagpapatupad ng two peso per minute travel time charge na umano’y walang pahintulot ng ahensya.
Ang bagong desisyon ay ang sagot ng LTFRB sa motion for reconsideration na inihain ng Grab noong Hunyo.
Sa mosyong inihain ng Grab, iginiit ng mga ito na walang ligal na basehan ang desisyon ng LTFRB hinggil sa reimbursement ng travel time charge.
Ang isyu ng overcharging sa mga pasahero ay nauna nang inireklamo sa LTFRB ni PBA Partylist Representative Jerico Nograles.
Ayon sa mambabatas, umabot sa 1.8 bilyong piso ang sobrang nasingil ng Grab sa mga pasahero. Kahit binawi na ang reimbursement, pagbabayarin pa rin ng LTFRB ang Grab PH ng sampung milyong pisong multa.
Sa ilalim ng inaprubahang fare structure ng LTFRB noong Disyembre 2016, 40 piso ang dapat na base fare, dagdag na 10 to 14 piso ang kada susunod na kilometro at times two na surge.
Sa ngayon ay nananatiling pa ring suspendido ang paninigil ng two peso per minute travel time charge ng mga transport network vehicle service (TNVS), habang patuloy pa ring binabalangkas ng LTFRB ang bagong fare structure para sa mga TNVS.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )