Umento sa sahod ng mga manggagawa, igigiit pa rin ng labor group sa kabila ng bigtime oil price rollback

by Radyo La Verdad | March 24, 2022 (Thursday) | 3232

METRO MANILA – Hindi iaatras ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang inihaing petisyon sa regional wage board para sa hirit na dagdag sahod ng mga manggagawa.

Ayon sa labor group ito’y kahit magtuloy-tuloy pa ang pagbaba ng presyo ng langis sa mga susunod na linggo.

Katwiran ng grupo, halos 2 taon na ring hindi tumataas ang sweldo ng mga mangagawa kaya’t panahon na anila para pagbigyan ang kanilang hinihingi.

Daing ng grupo dito pa lamang sa Metro Manila, kapos na kapos na P537 na minimum wage para makaraos sa isang araw ang isang pamilya na may 5 miyembro.

Iginiit rin ng mga ito na nakasaad sa batas, na trabaho ng wage board na magtaas ng sahod sa mga rehiyon taun-taon.

Gayunman paliwanag ng TUCP hindi sila nakapaghain ng petisyon noong nakaraang taon dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic sa mga negosyante.

Pero ngayong humuhupa na ang mga kaso ng COVID-19 at mas maluwag na ang mga restriction sa bansa, umaasa ang TUCP na mapagbibigyan na ang kanilang panawagang dagdag-sahod.

Nauna nang naghain ng petisyon ang TUCP sa NCR at central visayas region para sa minimum wage hike.

Habang bukas nakatakdang rin silang magsumite ng kaparehong petisyon sa Davao City upang itaas rin ang sweldo ng mga mangagawa sa Region 11.

Ayon naman sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), matagal na ring hinihingi ng mga manggagawa ang P750 na wage increase.

Ngunit, paliwanag ni Lito Rastica, Vice President ng grupo, recovery wage lang na maituturing ang P750, at iginiit na mas makakabuti kung maipatutupad ang living wage kung saan itataas sa P1K kada araw ang sahod ng isang mangagawa.

Samantala, tiniyak naman ng National Wages and Productivity Commission na pabibilisin na nila ang pag-review sa mga inihaing petisyon para sa wage increase.

Sa ngayon ay hawak na ng ahensya ang 10 petisyon, at hinihintay na lamang na masimulan ang public hearing para dito.

Nauna nang sinabi Department of Labor of Employment (DOLE) na magkakroon ng desisyon ang wage board tungkol sa umento sa sahod sa darating na Mayo o Hunyo.

(Aileen Cerrudo | UNT News)

Tags: