Umano’y sabwatan ng mga manufacturer ng harina, iniimbestigahan na ng DTI

by Radyo La Verdad | June 11, 2015 (Thursday) | 2335

PINOY TASTY
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Trade and Industry sa umano’y sabwatan ng mga manufacturer ng harina kaya hindi bumababa ang presyo ng tinapay at iba pang produktong ginagamitan nito.

Ayon sa DTI, bumaba na ng 28.83% ang presyo ng trigo na pangunahing sangkap sa paggawa ng harina.

Sa ngayon ay mas mataas ng P70 hanggang P100 ang isang sako ng harina kumpara sa regular na presyo nito sa ngayon.

Hinala ng DTI, posibleng may sabwatan ang mga flour miller.

Ayon sa DTI, dapat ay bumaba na ng tatlo hanggang anim na sentimo ang presyo ng isang piraso ng pandesal habang 56 centavos naman ang dapat ibaba ng 600 grams na tasty at 36 centavos naman kada piraso sa 450 grams na tasty.

Dalawang ulit ng hiningan ng paliwanag ng DTI ang mga flour miller at baking industry subalit iilan lamang ang tumugon sa kanila.

Sa ngayon, dalawang flour miller na ang iniimbistigahan ng National Bureau of Investigation at madaragdagan pa ito kapag hindi nakapag paliwanag ang iba pang mga manufacturer.

Maaaring makasuhan ng profiteering at collusion ang mga flour miller kapag napatunayan na sinadya ng mga ito na hindi magbaba ng presyo.

Hindi naman maaaring diktahan ng DTI ang mga ito na basta na lamang magbaba ng presyo.

Ayon naman sa mga flour miller hindi lamang nakabatay sa presyo ng trigo ang halaga ng tinapay dahil marami pa itong sangkap.

Ang baking industry, payag na magbaba ng presyo, subalit napipigilan ito dahil hindi naman nagbaba ng presyo ang mga flour miller.

Sa susunod na linggo ay susulatan muli ng dti ang mga manufacturer at bibigyan ng deadline upang makapagpaliwanag hanggang June 19, kung hindi pa rin tutugon ang mga ito ay paiimbistigahan na sila sa Department of Justice.

Tags: ,