Umano’y pananabotahe sa halalan, pinapa-validate na ng PNP

by Radyo La Verdad | April 20, 2022 (Wednesday) | 3499

Kikilos na ang Philippine National Police sa umanoy intelligence report na nakuha ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa planong pananabotahe sa araw ng halalan.

“Actually, meron but we’re still validating all these intelligence reports, ano, kasi hindi naman pwedeng agad-agad i-share sa public kung hindi validated. We’re very careful along this line. We’re still working on it to validate but there are numerous reports, actually, pointing to this subversion or subverting the will of the people,“ pahayag ni presidential candidate Sen. Panfilo Lacson.

Sa press conference noong linggo ng tatlong presidential at dalawang vice presidential candidates sa Manila Peninsula, sinabi ni Sen. Lacson na may mga impormasyon na posibleng magkaroon ng destabilisasyon.

“Sinu-subvert na ba natin ‘yung will ng mga electorate, ng mga tao, maski wala pang halalan? ‘Yung it’s bad enough na merong mga lumalabas na balita na baka ‘yung mismong eleksyon, on election day, baka merong mga sinister attempt na parang i-subvert ‘yung will of the people,” ani Lacson.

Ayon kay PNP Chief PGEN. Dionardo Carlos, kukuha sila ng karagdagang impormasyon kay Sen. Ping kaugnay nito.

“Well, we will get the details from Sen. Lacson para matingnan namin. So far si Val de Leon is monitoring for the election, wala naman tayong major report na ganun eh. So we will get it from Sen. Ping,” pahayag ni PGEN. Dionardo carlos, Chief, PNP.

Sinabi pa ni Gen. Carlos na kasama sa iba-validate nila ay ang lumutang na impormasyon na posibleng magkaroon ng gulo kung matatalo sa eleksyon si VP Leni Robredo.

Bukod pa dito ang sinabi ni Pang. Rodrigo Duterte na pakikipag alyansa ng mga dilawan o mga oposisyon sa CPP-NPA-NDF.

“What we can assure the public is we are ready for it…. so huwag ho kayo mag-alala, nakahanda naman ho kami,” ani PGEN. Dionardo Carlos, Chief, PNP.

Dagdag ni Gen. Carlos, sa ngayon all set na ang security measures ng PNP sa darating na halalan, magsisimula na rin ang deployment ng mga admin staff sa susunod na linggo bilang augmentation force ng mga magbabantay sa eleksyon.

Lea Ylagan | UNTV News

Tags: , ,