Umano’y pagtanggap ng suhol ng ilang CA Justices, pinaiimbestigahan ni Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | April 13, 2015 (Monday) | 1569

Antonio-Trillanes-3

Nagpasa ng resolution si Senador Antonio Trillanes the fourth na naglalayong imbestigahan ang umano’y pagtanggap ng malaking halaga ng dalawang Court of Appeals Associate Justices kapalit ng pagpabor sa pamilya Binay.

Nakapaloob sa resolusyon na imbestigahan ang mga umano’y “justice for sale” system sa C-A.

Nakatanggap umano ng mahigit 20 milyong piso sina Associate Justices Jose Reyes JR. at Francisco Acosta JR. kapalit ng paglalabas ng Temporary Restraining Order sa Suspension Order laban kay Makati Mayor Junjun Binay.

Sina Acosta at Reyes ay kabilang sa tatlong mahistradong humahawak ng kaso sa Suspension Order laban sa naturang alkalde.

Samantala, tumanggi naman ang senador na pangalanan ang kanyang source.

Nabigyan pa umano ng karagdagang tig-limang milyong piso ang mga ito matapos na mailabas na ang writ of preliminary injunction para pigilin ang suspension.

Sinasabing si Atty.Pancho Villaraza na kilalang supporter ni VP Jejomar Binay ang nag-facilitate ng transaksyon.

Sa ngayon ay pinagaaralan pa ng mga senador kung papaano uusad ang pagdinig. Umaasa din si Trillanes na mabibigyan ng Supreme Court ng hustisya ang naturang isyu.

Itinanggi naman ng Court of Appeals 6th Division Justices na tumanggap sila ng suhol mula sa kampo nila Makati City Mayor Junjun Binay kaugnay ng paglalabas nila ng Temporary Restraining Order sa Suspension Order na ipinataw ng Office of the Ombudsman laban sa aklade.

Sa pahayag ng mga mahistrado, sinabi nitong ang TRO at ang Preliminary Injunction ay base sa matikuloso at patas na interpretasyon ng korte sa batas at ebidensya na inahin ng bawat kampo.

Ang akusasyon na ito ay wala umanong basehan at maituturing na harassment sa mga mahistrado na nagsusulong ng interidad ng hudikatura sa pagpapatupad ng patas at makatarungang hustisya.

Samantala, sa isang statement pinaratangan ni Senador Nancy Binay na walang basehan at puro kasinungalingan lang lahat ng akusasyon ni Trillanes.

Ayon pa sa Senadora ang ginagawa ni Trillanes ay upang isulong ang kanyang ambisyon na makuha ang posisyon na kanyang nais sa 2016 elections kahit na masagasaan ang hudikatura at manira ng pamilya. ( Darlene Basingan/ UNTV News Worldwide )

Tags: , ,