Umano’y pagharang ng mga bigas para sa mga magsasaka ng Kidapawan, iniimbestigahan ng Malakanyang

by Radyo La Verdad | April 6, 2016 (Wednesday) | 3153

SECRETARY-SONNY-COLOMA
Kumakalap na ng impormasyon ang Malacanang mula sa Department of Interior and Local Government at sa Department of Social Welfare and Development kaugnay ng pagharang sa mga pagkain para sa mga magsasaka ng Kidapawan.

Ayon kay Presidential Communication Secretary Sonny Coloma, kumikilos na rin ang pamahalaan tungkol sa ginawang madugong dispersal sa mga magsasakang nagpo-protesta.

May kaugnayan ang hakbang ng Malacanang sa kahilingan ng Commission on Human Rights na alisin na ang food blockade sa Kidapawan upang makarating na sa mga magsasaka ang tulong na ipinadala ng ilang pribadong indibiduwal.

Ngunit sa pahayag ni ipinadala ni DSWD Secretary Dinky Soliman, walang nangyayaring pagharang sa naturang lugar at patuloy ang kanilang koordinasyon sa LGU’s para sa delivery ng pagkain sa mga apektadong munisipalidad.

Una nang sinabi ni Coloma na hindi nagkulang ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga mamamayan na naapektuhan ng El Nino.

(Nel Maribojoc/UNTV NEWS)

Tags: ,