Inatasan na ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Senator Richard Gordon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na gawin ang lahat ng hakbang upang madakip ang sinasabing bigtime Chinese na umano’y pasimuno sa smuggling ng bilyong-bilyong pisong halaga ng shabu na nasabat sa Manila International Container Port noong Agosto.
Sa pagpapapatuloy ng imbestigasyon ng Senado kaugnay ng 6.8 billion peso shabu smuggling, isiniwalat ni PDEA Director General Aaron Aquino ang pangalan ng Chinese National na si Chan Yee Wah alias KC Chan na umano’y umaaktong mediator ng isang malaking drug syndicate na responsable sa pagpupuslit ng bilyong-bilyong pisong halaga ng iligal na droga sa bansa.
Iminungkahi ni Gordon na kung maari ay makipag-ugnayan na ang PDEA sa mga Chinese official o kaya ay ipalathala na sa mga Chinese news paper ang larawan ng mga suspek upang agad na matunton ang mga ito.
Si Chan ay kabilang sa apat na kinasuhan kaugnay sa tangkang pagpupuslit ng 2.4 bilyong piso na halaga ng shabu na isinilid sa dalawang metal magnetic lifter na nasabat sa MICP noong ika-7 ng Agosto.
Dalawang araw matapos nito, natuklasan din ng PDEA ang apat pang magnetic lifter sa isang warehouse sa Cavite, na kahawig ng nasabat sa MICP.
Kumbinsido ang PDEA na naglalaman din ang mga ito ng tinatayang 6.8 bilyong piso na halaga ng iligal na droga, subalit palaisipan pa rin kung bakit wala nang narekober na shabu sa loob ng mga ito.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, nakikipag-ugnayan na sila sa mga otoridad sa Hongkong upang makakuha ng iba pang mga detalye ukol kay Chan.
Samantala, bukod kay Customs Officer Jimmy Guban, ipina-contempt rin ni Senator Gordon ang may-ari ng SMYD Trading na si Marina Signapan na nagsilbi ring consignee sa pagpasok sa bansa ng mga nasabat na magnetic lifter.
Ito’y dahil sa patuloy aniyang pagsisinungaling ni Signapan sa harapan ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Gordon, pansamantalang ikukulong sa Senado si Signapan hanggang Biyernes, subalit kung hindi pa rin ito magsasabi ng katotohanan ay posibleng sa Pasay City Jail na ito ipakulong.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: pdea, Sen. Richard Gordon, shabu