METRO MANILA – Nagsagawa ng rescue operation ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa nasa 200 na mga Badjao o Indigenous People (IP) sa Metro Manila nitong Biyernes, November 18.
Napag-alaman sa kanilang immbestigasyon na ang mga nasagip na IP ay pawang nanggaling sa Mindanao region.
Dahil dito, patuloy na inaalam ng DSWD ang posibleng koneksyon ng mga sindikato sa pagkalat ng mga IP sa National Capital Region (NCR) upang mamalimos at pagkakitaan.
Kinumpirma ni DSWD Undersecretary Edu Punay ang plano ng kanilang ahensya upang imbestigahan ang patuloy na pagdami ng mga Badjao sa Metro Manila katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).
Tiniyak naman ni Usec. Punay na bibigyan ng ahensya ang mga nasagip na IP ng tulong pinansyal na pangpuhunan upang makapagsimula sila ng maliit na negosyo at hindi na bumalik sa pamamalimos sa kalsada.
Target muna ng ahensya na mabigyan ng tulong pinansyal ang mga nasabing IP na kanilang na-rescue at dadaan din sila sa profiling bago bigyan ng cash assistance.
Tags: cash assistance, DSWD, Indigenous People, NCR