Trillanes, aapela sa korte hinggil sa validity ng Proclamation 572 ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 6396

Balak pa ring ipabaliktad ng kampo ni Sen. Antonio Trillanes ang resolusyon ni Makati RTC Branch 148 Judge Andres Soriano na nagsabing ‘valid’ ang Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa pamamagitan ng proklamasyon ay pinawalang-bisa ang amnestiyang iginawad kay Trillanes.

Sa ruling ni Judge Soriano nitong ika-22 ng Oktubre, hindi kinatigan ang hiling ng Justice Department na arrest warrant at hold departure order kay Trillanes, pero kinilala ng korte na may bisa ang proklamasyon ng Pangulo.

Ayon kay Atty. Rey Robles, legal counsel ni Trillanes, ginagamit lamang umano ang naturang proklamasyon upang maipawalang bisa ang isang desisyon ng korteng matagal nang final at executory.

Isang mapanganib na precedent din umano ito dahil tila binibigyang kapangyarihan nito ang Pangulo na magveto ng court decision

Iginagalang naman ng Malakanyang ang karapatang ito ng mambabatas at ipapaubaya na lamang umano ito ng palasyo sa korte.

Matatandaang nauna nang umapela si Trillanes sa Korte Suprema noong ika-6 ng Setyembre hinggil sa nasabing proklamasyon at kasalukuyang nakabinbin pa ito.

Samantala kanina, binigyan ng 15 araw ni Judge Soriano ang abogado ni Trillanes upang sagutin ang apela ng DOJ na baliktarin ng Branch 148 ang pagtanggi nito sa hiling na arrest warrant at HDO laban sa mambabatas.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,