MANILA, Philippines – Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority MMDA na mas bibigat pa ang trapiko sa Metro Manila sa mga susunod na buwan.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, nasa 20% ang inaasahang dagdag volume ng mga sasakyan pagdating ng Oktubre. Batay sa datos ng MMDA, nasa 410,000 na ang bilang ng mga sasakyang dumadaan sa Edsa nitong mga nakaraang araw.
Mas mataas na kumpara sa bilang ng mga sasakyan noong Disyembre ng nakaraang taon. Samantala, sa lumalalang sitwasyon ng trapiko sa Edsa, malaking tulong ang mga alternate route sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.
Batay naman sa ulat ng Department Of The Interior And Local Government (DILG), nasa 100% na ang compliance ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila pag dating sa pagtatanggal ng mga obstruction sa Mabuhay Lanes o Alternate Route ng mga sasakyan galing sa Edsa.
“Yung mga mabuhay lanes po namin sustained and maintained by mmda. Ok naman po yun sir, wala namang obstruction yun na nakikita nyo 24/7. May mga nagpapasaway na bumabalik pero tinitikitan naman po yun at saka inaalis namin” ani MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago.
Patuloy naman ang clearing operations ng MMDA at local government units upang mapanatiling maayos ang mga kalsada sa National Capital Region (NCR).
(Vincent Arboleda | UNTV News)