Traffic enforcer ng MMDA, huli sa entrapment operation ng PNP-CITF sa Quezon City

by Radyo La Verdad | October 31, 2018 (Wednesday) | 7290

Hindi na nakapalag ang MMDA traffic enforcer na si Jose Edu Badal ng arestuhin ng mga tauhan ng PNP Counter Intelligence Task Force dahil sa pangongotong sa hinuli nitong motorista sa Commonwealth Avenue na walang suot na helmet.

Ayon kay PNP-CITF Commander PSSupt. Romeo Caramat Jr. inaresto si Badal sa aktong tinatanggap ang isang libong piso mula sa biktima sa isang fastfood chain sa may Tandang Sora, Quezon City.

Ayon kay Caramat, mismong ang suspek umano ang nagsabi sa biktima na magbayad na lang kaysa matiketan at magbayad ng mas malaking multa.

Ayon kay Caramat, magsilbi nawang babala ang pagkakaaresto kay Badal sa ibang traffic law enforcers na may iligal na ginawa.

Pero depensa ni Badal, bukod sa walang suot na helmet, hindi rehistrado ang motorsiklo kaya dapat itong maimpound subalit nakiusap sa kaniya ang driver ng motor.

Ayon sa enforcer, natukso na rin siyang tanggapin ang alok dahil maysakit ang kaniyang anak.

Si Badal ay kakasuhan ng robbery extortion.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,